KATAS NG VAT NI GLORIA: Kukurakot Aabuso Tiba-tiba si Arroyo Sa VAT

Pahayag ni Gabriela Women’s Party Rep. Liza Maza
SONA ng Mamamayan, Commonwealth Avenue, Quezon City
Hulyo 28, 2008

Mainit na pagbati sa bawat isa sa ating tumitindig at nagpapahayag ng tunay na kalagayan ng mamamayan, ng tunay na SONA. Ang pagbuhos natin sa lansangan sa araw na ito hindi lamang sa Maynila kundi sa mga probinsya ay patunay lamang na isinusuka natin ang mala-pantaseryeng drowing ng kaunlaran ng peke, korap at abusadong lider ng sindikatong nasa Malakanyang, si Gng. Arroyo.

Sabi ni Gng. Arroyo, “Ramdam ang Kaunlaran”. Ang totoo, ramdam ng mga nanay at kababaihan ang kirot ng sikmura sa bawat pagtaas ng presyo ng bilihing pinatawan ng VAT. Ang totoo, ramdam na ramdam natin ang init ng araw, at buhos ng ulan habang parang timawa tayong pinapipila sa mga limos na subsidyo sa kuryente’t bigas. Sabi ni Gloria, magpasalamat kayo, ito raw ay “Katas ng VAT”.

Pawang panloloko! Alam ba ninyo kung ano ang totoong ibig sabihin ng KATAS ng VAT?  Kukurakot, Aabuso, Tiba-tiba si Arroyo Sa VAT. Kaya sa kabila ng malwakang panawagan ng mamamayan para ibasura ang 12% VAT na ipinapataw sa lahat ng ating mga bilihin at binabayaran, ayaw itong alisin ni Gloria. Malaki ang pakinabang niya sa Katas ng VAT. Kukurakot Aabuso Tiba-tiba si Arroyo Sa VAT.

Nitong nakaraang buwan naglaan daw si Gloria ng P4B Katas ng VAT para sa subsidyo sa mga tsuper, sa mga senior citizen, sa mga pautang at sa mga biktima ng bagyong Frank. Dapat ba nating ipagpasalamat yun? Alam ba ninyong mula nang masimulan ang maanomalyang Northrail project ay may binabayaran tayong P18M kada buwan? Walang proyektong nagaganap, pero may mga kickback at panunuhol na matagal nang naganap. Saan galing ang pinambabayad sa proyektong ito? Katas ng VAT.

Samantala’y, tuloy na tuloy pa rin daw ang Cyber Education Project. Hindi natin ito kailangan. Pero, ang halagang inutang para dito? P20B. Limang beses na mas mataas sa P4B inilaan daw sa maralita. Sino ba ang makikinabang? Kani-kaninong mga bulsa ba ang nag-uumapaw dahil sa mga proyektong ODA ni Gng Arroyo na bumubuo sa mahigit 40% sa mga utang panlabas ng ating bansa? At sinong magbabayad nito? Sabi nga ni Gng. Arroyo, Katas ng VAT. Kukurakot Aabuso Tiba-tiba si Arroyo Sa VAT.

Magnanakaw! Sa bawat pisong dagdag sa presyo ng bilihin dahil sa VAT iisa lang ang nakikinabang sa Katas nito. Wala na ngang maibadyet ang mga kababaihan, ang ating mga pamilya’y walang na ngang makain, pamasahe, maipampa-aral o maipang-ospital, pinahihirapan, pinagnanakawan niloloko pa tayo ng sindikato ni Gng. Arroyo. Papayag pa ba tayo? Tama na, sobra na! Gloria Arroyo, paalisin na natin, ngayon na! #

Leave a comment

Filed under Corruption, Statement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s