KAHILINGAN NG MARALITA: PABAHAY SERBISYO AT TRABAHO, HINDI DEMOLISYON (Privilege Speech Delivered by Rep. Liza Maza)

Ginoong Speaker,

Habang dinidinig sa Senado ang anomalya sa ZTE-NBN broadband deal, at hinahanap ng sambayanang Pilipino ang katotohanan sa diumano’y bilyun-bilyong komisyon ng mga opisyal ng pamahalaan sa deal na ito, kabi-kabilang demolisyon ang nararanasan ng ating mga kababayan sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila upang bigyang daan ang mga proyektong kalsada ng pamahalaan.

Sang-ayon sa Medium Term Philippine Development Plan ng pamahalaang Arroyo, upang makamit daw ang pag-unlad, kinakailangan na magkaroon ng episyenteng imprastraktura para ang mga tao, produkto at kalakalan ay mabilis at episyenteng dumaloy sa loob at labas ng bansa.

Itinalaga ng planong ito ang pag-uugnay ng MRT at LRT commuter loop. Sa pamamagitan ng mga pamahalaang lokal at ng Metro Manila Development Authority, nagsasagawa sa kasalukuyan sa Metro Manila ng pitong (7) mayor na proyektong kalsada: ang Radial-10, McArthur Highway, Commonwealth Avenue, Marcos Highway, Epifanio delos Santos (EDSA) at C-5. Ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando ito rin ay parte ng kanyang programang Metro Guwapo – na naglalayong pagandahin at pabilisin ang daloy ng mga sasakyan at produkto, paunlarin at gawing ligtas ang Metro Manila. Gagawin ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga sagabal tulad ng mga bulok na pook, mabahong kanal, at mga basura sa paningin.

Sa kasalukuyan, ang mga kalsadang proyektong ito ay nasa iba’t ibang antas ng pagdedebelop.

Sinisimulan na rin ang C-5 link na isang 22-kilometrong kalsada na may anim hanggang walong lanes. Magmumula ito sa Katipunan U.P. hanggang Letre, Malabon at siyang magdudugtong sa NorthExpressway (NLEX) at South Expressway (SLEX) hanggang Alabang viaduct. Pag-uugnayin din nito ang industrial districts ng Caloocan, Malabon, Navotas at industrial zones ng Novaliches at Balintawak. Sa C-5 Kalayaan isang malaking elevated U-Turn din raw ang itatayo.

Ginoong Speaker, kamakailan nakipagpulong sa akin ang ilan sa mga komunidad na naapektuhan at maapektuhan pa ng proyektong kalsadang ito, at kanilang isiniwalat ang kanilang matinding galit at protesta. Narito sila ngayon sa gallery .

Ang tanong nila, ‘Kung pag-unlad ang ibig sabihin ng mga kalsadang ito, bakit salot ang dala nito sa mga mahihirap ? ‘

Salot ang dulot ng pitong kalsadang proyektong ito. Bawat daanan ng pagpapalapad ng kalsada at pagdedebelop ng mga sidewalks, libo-libong pamilya ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan. Libu-libong bata ang natitigil sa pag-aaral. Libu-libong babae ang daranas ng higit pang kahirapan. Para silang mga basurang winawalis at itinataboy. Ito ba ang kaunlarang sinasabi ng pamahalaan ?

Humigit kumulang na 40,000 pamilya o 200,000 maralita sa 10 barangay ng Quezon City na kinabibilangan ng Pansol, Old Balara, Culiat, Tandang Sora, Pasong Tamo, Holy Spirit, Sauyo, Bagbag, at Talipapa ng Quezon City at Barangay Ugong ng Valenzuela City ang madidisloka at nanganganib na magpalaboy-laboy sa mga lansangan.

Pagkawala ng pang-araw araw na kabuhayan ang idudulot nito sa mga mamamayan. Mawawalan ng hanap-buhay ang mga nagpapatakbo ng maliliit na tindahan, kainan, paupahang kwarto. Liliit ang kita ng humigit kumulang na 40,000 mga jeepney at tricycle drayber at operator sa mga nasabing lugar dulot ng pagkawala ng libo-libong pasahero. Mawawala rin ang matagal na binabayarang buwanang amortisasyon sa negosyong pabahay-palupa sa ilalim ng iskemang Community Mortgage Plan sapagkat mawawalang bisa ang mga pamayanang dadaanan ng proyekto. Higit sa lahat dadami ang mga estudyanteng drop-out dulot sa pagkakalayo ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan dahil sa dislokasyon.

Sa kasalukuyan, hinihikayat ng gobyerno ang mamamayan na boluntaryong gibain ang kanilang mga bahay at magsilikas sa mga ‘relocation site’ kapalit ng danyos. Ayon sa Aklas C-5, alyansa ng mga mamamayang maapektuhan ng C5, hindi boluntaryong paggiba ang nagaganap ngayon sa kanila kundi walang abisong pagsugod ng MMDA. Kasama ang mga pulis at militar, pwersahang ginigiba ng MMDA ang mga bahay at establisimiyento.

Sa kabilang banda, wala namang matinong relokasyon ang pamahalaan. Ang karanasan ng mga maralitang tagalungsod ang magpapatunay sa kawalan ng mahusay at makataong relokasyon.


Ayon sa Center for Housing Rights and Eviction (COHRE) na nakabase sa Geneva, Switzerland, ang lugar na pinagdalhan sa mga nademolis na 25,000 pamilya o 145,000 mamamayan sa Northrail at Southrail Tracks ay 40 kilometro ang layo sa Metro Manila. Lubhang di makatao ang sitwasyon sa mga lugar ng relokasyon dahil sa kakulangan ng mga batayang serbisyo tulad ng tubig na maiinom, elektrisidad, at pasilidad sa sanitasyon. Ang iba sa kanila ay kinailangang tumira sa mga tents sa loob ng maraming buwan.

Ayon pa rin sa COHRE, sa Southville relocation site sa Cabuyao kung saan itinapon ang mahigit sa 9,000 pamilya, ang halos lahat ng tahanan dito ay di kumpleto ang pagkakayari- walang bubong at sahig. Mas doble ang insidente ng gutom sa lugar ng relokasyon kaysa noong namumuhay pa ang mga maralita sa gilid ng riles.

Sa mga dati namang relocation site, wala ring katiyakan ang paninirahan tulad ng nagaganap ngayon sa National Government Center na kinapapalooban ng limang barangay : Holy Spirit, Commonwealth, Payatas A, Payatas B at Batasan Hills. Dito kinakailangang mag-aplay ang mga benepisyaryo ng pabahay sa National Government Housing Project ayon sa RA 9207, o Government Center and Land Utilization Act of 2003, at kung hindi, sila ay papalayasin sa lugar. Subalit pinapaaplay sila bilang nangungupahan lang at hindi bilang may-ari ng lupa at bahay. Napaka-imposible rin na mapasakamay ng maralita ang titulo ng lupa sapagkat ang mga titulo ay mananatili sa NGC kahit na may notice of award.

Sa ngayon tulad ng mga nakatira sa komunidad ng Ricarte, Palaris at Dagohoy o RIPADA sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), nahaharap na naman ang NGC sa nakaambang demolisyong dulot ng C-5, matapos nilang pagsumikapang paunlarin ang kanilang lugar. Sila ang taga-ayos, gobyerno ang taga-giba.

Walang pinag-iba ang sitwasyon ng mga taga-NGC sa Katuparan Housing Project sa Vitas, Tondo na dati ay lugar ng Smokey Mountain. Ang mga gusaling-bahay na tinayo ay pinamahagi sa mga nademolis pero kailangan nilang magbayad ng renta na hindi naman kayang bayaran ng maralita. Kung hindi makabayad, sila ay mapapaalis sa lugar. Sa ngayon, nakaamba ang eviction sa mga di makabayad ng renta.

Kung tutuusin, ayon sa KADAMAY, isang organisasyon ng mga maralitang tagalunsod, sa ilalim ng gobyernong Arroyo, dumanas ng higit na malawakang demolisyon ang mga maralita. Sa proyektong North Phase at Northrail Southrail Linkage ng Philippine National Railways Modernization and Rehabilitation Project pa lamang, mahigit sa 80,000 pamilya sa Central Luzon, National Capital Region at Southern Tagalog ang nademolis. Ang buong probinsiya ng Bulacan ay halos mawalis nang mademolis ang 14,603 pamilya.

Samantala ang buong komunidad na may humigit kumulang 2,843 pamilya naman na nakatira sa gilid ng mga riles ng tren sa Makati ay nawalis din ng pamahalaang Arroyo sa pamamagitan ng Housing and Urban Development and Coordinating Council (HUDCC) sa ilalim ni Bise Presidente Noli De Castro.

Kamakailan din lang, nagpunta rin sa akin ang mga taga-Floodway, Taguig at kanilang inirereklamo ang nakaambang demolisyon sa kanilang mga bahay dahil tatayuan daw ang kanilang lugar ng mga medium rise buildings para sa pabahay. Lubhang mahal ang pabahay na itatayo kung kaya wala ring kasiguraduhan mapapasakanila ito. Pumunta rin sa aking ang mga taga Tala Leprosarium at pinoprotesta ang nakaambang demolisyon sa kanila dahil sa gagawing pribatisasyon ng Tala Leprosarium.

Ginoong Speaker, ayon sa COHRE, ang Pilipinas ay pangatlo sa buong mundo na nagsasagawa ng malawakang demolisyon at di nagsasagawa ng makataong relokasyon. Kung kaya’t noong ika-5 ng Disyembre, 2006, ginawaran ang Pilipinas kasama ang Nigeria at Greece ng 2006 Housing Rights Violator Award !

Ang masakit Ginoong Speaker, nawalan na sila ng mga tahanan, nagkautang pa sila, habang ang ilang nangungurakot ay nakikinabang sa labis labis na presyo ng paggawa ng mga kalsada.

Tingnan natin ang proyektong C-5 North Expressway link na sinisimulan na. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P12.766 bilyon at pinopondohan ng utang mula sa mga dayuhang bangko at multilateral na ahensya sa pautang at equity mula sa lokal at dayuhang namumuhunan. Ang utang ay mula sa mga dayuhang bangko tulad ng Asian Development Bank ng Japan, International Finance Corporation-World Bank, Export Finance and Insurance Corporation of Australia, at Export Credit of France.

Isa itong proyekto na magkasosyo ang gobyernong Arroyo, Philippine Lopez Group of Companies na siyang may-ari ng Benpress Holdings at First Philippine Infrastructure Development, kasama ang Philippine National Construction Corporation (PNCC) at ang Egis Projects SA ng France.

Ayon sa Aklas C-5, di umano, labis-labis ang halaga ng proyektong ito. Sa sukatang pamantayang itinakda ng Department of Public Works and Highways, P19 milyong hanggang P21 milyon ang halaga ng paggawa ng bawat kilometrong daan (per kilometro, per lane basis) na gawa sa graba. Sobra sobra kung gayon ang badyet na P12.766 bilyon para sa paggawa ng 22 kilometrong may 8 lanes na kalsadang C-5. Kung totoo ito, merong overprice na nagkakahalaga ng P51.53 milyon hanggang P53.53 milyon bawat kilometro.

Malinaw kung gayon na hindi lamang demolisyon ang dadanasin ng ating mga maralitang komunidad, magbabayad pa sila sa pamamagitan ng buwis ng mga inutang ng pamahalaan. Nademolis na ang kanilang mga bahay, nagkautang pa sila.

Ginoong Speaker, dapat nating imbestigahan ang halaga ng proyektong kalsadang C-5 na ito kung ito nga ba ay may overpricing. Kagaya din kaya ito ng NBN ZTE deal ? Tulad din kaya ito ng maanomalyang Northrail na naging paksa ng imbestigasyon ng Senado noong 2005 at ng ibinunyag ni Eng. Lozada na diumano’y anomalya rin sa Southrail na nagkakahalaga ng P70 milyon ?

Higit sa lahat dapat nating imbestigahan kung ano ang kahihinatnan ng ating mga maralitang kababayang dadaanan ng mga higanteng kalsadang ito.

Ito ba ang sinasabing kaunlaran ? Hindi ito kaunlaran ng mahihirap! Kaunlaran ito ng iilang magpapasasa sa kita ng konstruskyon ng mga kalsadang ito. Kaunlaran ito ng mga dayuhang imbestor na gustong akitin ng gobyernong Arroyo. Kaunlaran ito para sa mga dayuhang nagpapautang na matagal nang sumisipsip sa pondo ng bayan.

Ginoong Speaker, ang nangyayaring malawakang demolisyon ay isang paglabag sa karapatang pantao, paglabag sa ating Konstitusyon. Ayon sa ating Saligang Batas, Sekyon 9, Artikulo XIII, dapat magsagawa ang Estado ng patuloy na programang reporma sa lupang kalunsuran at sa pabahay na makapagbigay ng abot-kaya at disenteng pabahay at mga batayang serbisyo sa mga mamamayang kapus-palad at walang tirahan sa mga sentrong urban at mga resettlement areas. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga nasabing mamamayan. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang nasabi.

Ayon naman sa Sekyon 10 ng Saligang Batas, ang mga taga-lunsod at taga-nayong nainirahan ay hindi dapat paalisin ni gibain ang kanilang mga tirahan maliban kung naaayon sa batas at paraang makatarungan at makatao. Walang paglilipat ng mga taga-lungsod o taga-nayon na naninirahan ang isasagawa nang walang sapat na konsultasyon sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

Pero. nagaganap ang malawakang demolisyon nang walang masinop at demokratikong konsultasyon sa mga maralita. Kung isinasaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng maralita, dapat sana ay may libre o abot-kayang pabahay para sa mamamayan na may kaukulang serbisyo at oportunidad.

Kailangan tayong gumawa ng hakbang upang mahinto ang mga demolisyong ito! Imbestigahan natin ang di pagtupad ng pamahalaan sa kanyang responsibilidad sa mga maralitang tagalungsod.

Sa madalian, kumilos tayo upang mapigil ang napipintong demolisyon ng mga tahanang tatamaan ng C-5 North Express Road project at ang proyektong pagpapaunlad daw ng National Government Center. Ganun din, tignan natin ang kalagayan ng mga maralita sa floodgates sa Taguig at sa Tala Leprosarium. Naghain na ang partido ng Gabriela ng mga resolusyon para imbestigahan ang mga kasong ito at inaasahan ng kinatawang ito na didinggin ito sa lalong madaling panahon. Kailangan ding imbestigahan ang paratang na overpricing sa proyektong C5 at busisiin ang kontratang pinasok ng gobyerno sa mga dayuhang nagpapautang.

Muli nating balikan ang mga proyektong Northrail at Southrail at imbestigahan ang alegasyon ng korupsyon sa mga proyektong ito dahil kung totoo ang paratang na 20% ang kalakarang komisyon na napupunta sa bulsa ng iilan, sa Northrail, Southrail at C5 pa lamang ay nangangahulugan na ng 54,791 na low-cost housing units na dapat sana ay napunta sa mga mahihirap.

Pabahay, serbisyo at trabaho ang sigaw ng maralita, hindi marahas na demolisyon. Maraming salamat at magandang hapon.

1 Comment

Filed under Housing, Social Services, Speeches, Urban Poor

One response to “KAHILINGAN NG MARALITA: PABAHAY SERBISYO AT TRABAHO, HINDI DEMOLISYON (Privilege Speech Delivered by Rep. Liza Maza)

  1. Tama ka Rep. Liza! hindi pagpapaunlad sa ating bansa ang ginagawa nila kundi pagpapahirap sa mga taong nag hihirap na nga pinahihirapan pa! Imbis na tulungan lalong pinahihirapan! kung sila kaya ang malagay sa kinatatayuan ng mahihirap ngayon!Kawawa naman ang mga maralitang kababayan natin sa sobrang pagpapaganda nila hindi nila iniisip na may nasasaktan na pagkarami raming mamayan na walang laban……

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s